Ayon kay Villar, chairman ng Senate committee on foreign relations, ipatatawag niya si DFA Secretary Delia Albert upang ipaliwanag ang kakulangan ng aksiyon sa kaso ng tatlong OFWs sa Lebanon.
Aniya, dapat magsagawa ng masusing imbestigasyon upang malaman kung nagpabaya ang ating mga welfare at diplomatic officials sa kanilang tungkulin upang protektahan ang ating mga OFWs sa nasabing bansa.
"Dapat natin makita kung ano ang ginawa nila sa kaso ng tatlong OFWs na ito at patawan ng kaukulang parusa ang mga nagkasala nang sa ganoon ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nila," ani Villar.
Kahina-hinala na umano ang sunud-sunod na pagkamatay ng OFWs sa Lebanon na pawang pareho ang dahilan kung saan ang pinakahuli ay ang isang katulong na nahulog sa bahay ng kanyang employer at namatay noong May 16.
Noong Mayo 3 ay namatay din si Catherine Bautista matapos uma-nong mahulog sa bintana sa tangka nitong tumakas sa kanyang ma-lupit na amo.
Ganito rin ang sinapit ni Lovela Susan Montenegro nang mahulog naman mula sa ikatlong palapag na apartment ng kanyang amo.
Lahat ng mga namatay na OFW ay humingi ng saklolo sa welfare officers sa Lebanon hinggil sa pagmamaltrato ng kanilang amo su-balit sa halip na tulungan ay pilit pa rin umano silang pinabalik ng welfare officers sa kanilang employer. (Ulat ni Rudy Andal)