Sa sama-samang pahayag, sinabi nina Representatives Aurelio Umali ng Nueva Ecija at Antonio Cuenco ng Cebu na ang pagiging angat sa laban, mahusay na pangangampanya at magandang makinarya ang nagdala sa napipintong muling pag-upo ni Ginang Arroyo sa Palasyo ng Malacañang.
"Walang duda na si Pangulong Arroyo ang magwawagi sa halalan, nakikita naman ito sa ibat ibang partial, unofficial tally na ginagawa ng mga istasyon sa telebisyon, radyo at maging sa unang bugso ng bilangan sa Namfrel," paliwanag ni Umali na vice chairman ng House committee on transportation and communications.
Pinayuhan naman ni Cuenco ang taumbayan na maging mapagmatyag sa mga pandarayang maaaring gawin upang biguin ang adhikain ng sambayanan na muling hawakan ni Ginang Arroyo ang pampulitikang kapangyarihan sa bansa.
Hinikayat naman ni Davao del Sur Rep. Mayo Almario ang oposisyon na tanggapin ang kapasyahan ng taumbayan na si Arroyo ang muling Pangulo ng bansa.
Aniya, malinaw naman na ang Pangulo ang muling uupo sa Malacañang dahil na rin sa exit polls na ginawa ng SWS at maging sa huling election survey na ginawa nito at ng Pulse Asia. (Ulat ni Malou Rongalerios)