Ang Oplan: Singit Loren ay senyales na handang bumaliktad at mandaya ang kampo ni Legarda masungkit lamang nito ang vice presidency sa araw ng halalan bukas.
Sinabi ng K4 na dapat magpaliwanag si Legarda ukol sa mga mapanlinlang na sample ballots na kasalukuyang ipinamamahagi ng kanyang kampo sa mamamayan.
"Habang ginagawa namin ang lahat upang maging malinis at maayos ang halalan ay heto naman ang kampo ni Legarda na nagtatangkang linlangin ang taumbayan," ayon sa isang K4 campaign manager.
Hindi rin nasikmura ng mismong koalisyon na kinabibilangan ni Legarda ang puspusang pagsasatupad ng Oplan: Singit Loren dahil hayagan nitong inilaglag ang buong puwersa ng KNP kabilang ang standard bearer nito na si action king Fernando Poe, Jr.
Ayon sa isang KNP senatorial candidate, itinigil na ng Koalisyon ang pakikipag-ugnayan nito sa kampo ni Legarda matapos ang pambabaliktad.
Bagamat pinangangambahan ang dayaan sa halalan, nagpahayag ang K4 at KNP at ibang partido ng suporta para sa isang malinis na eleksiyon. Ipinarating na kahapon ng pamunuan ng K4 sa local level ang babala laban sa Oplan: Singit Loren upang mabigyan proteksiyon ang publiko.
Nadiskubre na ang Oplan: Singit Loren ay ang pamamahagi ni Legarda ng sample ballots kung saan lumilitaw na si Legarda ang vice president ng K4. (Ulat ni Rudy Andal)