Sa bisa ng Republic Act 9287 ay itinaas ang pagpataw ng parusa sa mga mananaya, tauhan, kolektor, ahente, coordinator, controller, supervisor, operator, namamahala, kapitalista at maging protektor sa lahat ng uri ng sugal. Isa sa kinababaliwang sugal ay ang jueteng kung saan inamyendahan dito ang ilang probisyon sa P.D. 1602.
Nabatid na ang illegal number games o jueteng ay isa lamang sa maraming uri ng illegal gambling na gumagamit ng numero o ng kumbinasyon bilang basehan sa pagbibigay ng jackpot, Kabilang din dito ang 'masiao' at 'last two degits' o ending ng nanalo at talunang score sa basketball.
Humanga ang Pang. Arroyo sa inamyendahang batas na may bilang 6575 ni Biazon na may kaugnayan sa anti-illegal gambling.
Naging guiding challenge ng mambabatas na si Biazon ang ibalik ang tiwala ng mga maliliit nating kababayan sa kanilang sariling sikap, tiyaga at talino. At hindi kailangang kumapit sa sugal upang gumaan at guminhawa ang buhay dahil madalas ay lalo pang pagkabaon ang kinauuwian ng sinumang magiging bahagi nito.
Sinabi pa nito na lahat ng bunga ng sugal ay sanhi ng corruption at ito ay lingering social menace kaya dapat ng sugpuin. (Ulat ni Lordeth Bonilla)