Ang "Isang Iskolar Bawat Pamilya" ay naglalayong mabigyang pagkakataon ang isang anak ng bawat mahirap na pamilya para makapag-aral sa kolehiyo kundi man sa vocational school.
Sa programang ito, sinabi ng Pangulo na mabibigyan ng pag-asa ang milyun-milyong mahihirap na estudyante na ang pamilya ay walang kakayahang sila'y paaralin.
Ayon kay Presidential Deputy Spokesman Ricardo Saludo, sa ilalim ng programa ang bawat mahirap na pamilya ay bibigyan ng pagkakataon makapagpasok ng isa sa kanilang mga anak para sa apat na taong kurso o dalawang taong pag-aaral sa vocational school.
Ang mga mapipiling estudyante para kumuha ng kurso sa kolehiyo ay mag-aaral sa alinmang kolehiyo at unibersidad sa ilalim ng Commission on Higher Education. Ang nagnanais na kumuha ng 2-taong kursong vocational ay mag-aaral naman sa mga paaralang nasa ilalim ng Technical Education and Skills Authority o TESDA.
Sa okasyong gaganapin ngayong hapon sa Biñan 1,000 mahirap na pamilya ang bibigyan ng certificate ng scholarship. Isang executive order ang nakatakdang lagdaan ngayon ng Pangulo para sa implementasyon ng programang ito. (Ulat ni Lilia Tolentino)