Sa ginanap na pulong sa lingguhang Kapihan sa Sulo Hotel, tinukoy ni Engle sina Reggie, Yvonne at isang Cesar Paterno na nagsilbi bilang mga tulay ni de Castro sa paghingi ng pera sa kanya, pero si Reggie anya ang direktang humingi sa kanya ng P2 milyon.
Napawalang-sala si Engle ng Manila Regional Trial Court noong isang taon sa kasong kidnapping na nag-ugat sa malisyosong report sa kanya ng MGB matapos siyang gawing suspek ni de Castro sa episode ng MGB sa pagkawala ng kanyang asawa. Ginamit naman ng NBI ang nasabing episode upang sampahan siya ng kidnapping.
Binalewala rin ni Engle ang akusasyon ng kampo ni de Castro na bahagi siya ng isang demolition job laban sa administration candidate. Ayon kay Engle, kalalabas lang niya sa kulungan noong isang taon at ginamit niya ang mga buwang lumipas upang ayusin ang kanyang buhay na sinira ni de Castro.
Muli ring hinamon ni Engle si de Castro na sabay silang kumuha ng lie detector test upang magkaalaman na kung sino ang nagsisinungaling.
"Definitely, its de Castro who will be caught with his pants down. I dare him to bring Reggie, Yvonne and Cesar with him so that we can all take the lie-detector test," hamon pa ni Engle.
Ang mapait na sinapit ni Engle ay nakarating sa kaalaman ng Pamilyang OFW-SME Network Foundation na tumutulong ngayon sa kanyang paghahanap ng hustisya. (Ulat ni Doris Franche)