Sa ipinadalang subpoena kay Salvador na inisyu ni Senior State Prosecutor Susan Dacanay, iniutos na magpakita at dumalo ang aktor kasama ang kanyang kapatid na si Ramon sa itinakdang preliminary investigation sa nasabing kaso sa Marso 22, 2004 at ibigay ang kanilang panig hinggil sa akusasyon ni Decena.
Si Philip ay inireklamo ni Decena matapos na hindi maibalik nito ang P15 milyon na pinautang umano nito sa aktor na siyang ginamit sa pangangampanya noong ito ay tumakbo bilang mayor ng Mandaluyong.
Si Salvador ay nasa Amerika ngayon kasama ang pinakasalang asawa na si Emma Karen Ledesma na umanoy ex-wife ng isang nagngangalang Gen. Camiling ng AFP.
Nabatid na si Philip ay ikatlong asawa na ni Ledesma.
Ayon kay Decena, handa siyang habulin si Philip kahit saang korte mabalik lamang sa kanya ang naturang halaga.
Kasama din kinasuhan ni Decena, ang kapatid ng aktor na si Ramon dahil sa kasama din ito sa mga naging transaksiyon ni Philip kay Castillo.
Gayundin, ipapaharang ni Decena sa embahada ng Amerika ang aplikasyon ni Philip para sa naturalization nito.
Si Ledesma ay isa na ngayong US citizen kaya maaari na rin maging green card holder ang nasabing aktor subalit ito ay pipilitin namang pigilan ni Decena. (Ulat ni Grace dela Cruz/Ellen Fernando)