Batay sa Feb. 7-14 survey ng Ibon, si Loren ay nakatanggap ng 30.80 porsiyento ng boto ng 1,200 respondents na kinalap sa buong Pilipinas o 6.6 porsiyento na lang sa likod ng pambato ng administrasyon.
Ayon sa analysts, kayang-kaya ni Loren na gibain ang maliit na lamang sa kanya ng K-4 bet sa pagkuha sa boto ng 30 porsiyento ng mga Pilipinong "undecided voters" o iyong mga botanteng hindi pa nakakapili ng kandidato.
Anila, mas kapani-paniwala ang survey ng Ibon kumpara sa survey ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia, na nagsabing 20 porsiyento pa ang lamang ng K-4 bet kay Loren.
Ang Ibon ay isang foundation na hindi pinagkakakitaan ang inilalabas na survey at gumagamit lamang ng mga volunteer. Ang SWS at Pulse Asia naman ay parehong pribadong survey firms na sina-subcontract ang kanilang surveys sa kumpanyang Trends.
Ibinulgar kamakailan ng isang pahayagan na sina-subcontract naman ng Trends ang surveys nito sa grupong kinabibilangan nina Jimmy Policarpio at Ronnie Puno na kilala umanong operators ng Malacañang.
Dahil dito, marami ang nagdududa sa surveys na inilalabas ng SWS at Pulse Asia. (Ulat ni Rudy Andal)