Sinabi ni Defensor na hindi uurong si "Kabayan" sa kandidatura niya para lamang bigyang puwang ang pagbaba ng isang presidential candidate bilang katambal na bise presidente ni Pangulong Arroyo. Hindi binanggit ni Defensor kung sino ang tinutukoy nitong kandidatong presidente.
Ayon kay Defensor, ang nagkakalat ng mga intriga ay isang " desperate move" dahil nananatiling nangunguna ang senador sa vice presidential race.
Sisimulan ngayon ni Pangulong Arroyo ang pangangampanya sa lalawigan ng Laguna dahil ito ang ikatlong pinakamalaking lalawigan at malapit sa Metro Manila.
Sa pahayag ni Defensor, ang kanilang desisyon na unahin ang Laguna ay bunga na rin ng pananatiling "undecided" ng mga residente doon para sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Kahapon ay pormal na inilunsad sa UP Bahay Alumni ang PRO-GMA na may 20 organisasyon at kinabibilangan ng Muslim, OFWs, Youth, Women at Urban Poor Assembly.
Dinaluhan ng mga kilalang personalidad ang PRO-GMA tulad nina World Featherweight champion Manny Pacquiao, superstar Nora Aunor at Presidential Daughter Luli Arroyo. (Ulat nina Doris Franche/Lilia Tolentino)