Ayon kay Corpus, kung maituturing na "foul" ang mga binitiwan niyang salita laban kay Sen. Legarda ay humihingi siya ng apology.
Sinabi ni Corpus sa Senate committee on national defense and security na pinamumunuan ni Sen. Rodolfo Biazon, ang ibig niyang ipakahulugan sa political prostitute ay ang pagiging "political butterfly" ni Legarda dahil hindi lamang ito palipat-lipat ng kampo kundi nakikipaglaro din sa kampo ni CPP-NPA founding chairman Jose Maria Sison at sa grupo ng Kawal Pilipino.
Iginiit pa ni Corpus, kung ang pagiging political butterfly o paglipat lamang ng kampo ay hindi masama pero ang makipag-ugnayan sa grupong terorista tulad ng CPP-NPA ay hindi na legal.
Iminungkahi din nito sa Senado na imbestigahan ang pagkakaroon umano ng ugnayan ni Legarda sa grupong maka-kaliwa at maka-kanan.
Sa pahayag naman ni NPA spokesman Gregorio "Ka Roger" Rosal, nirerespeto at itinuturing na kaibigan ng kilusan si Legarda.
Reaksiyon ito ni Ka Roger matapos maglabasan ang ulat hinggil sa umanoy pakikipag-ugnayan ni Legarda sa maka-kaliwang grupo.
Aminado si Ka Roger na hindi siya makakaboto pero kung mabibigyan ng pagkakataon ay siguradong si Legarda ang iboboto niya. (Ulat nina Rudy Andal/Joy Cantos)