Sa interview ni GMA-7 reporter Jessica Soho sa programang "Bio-data", tinanong siya kung mayroon siyang anak sa dating starlet na si Ana Marin at sumagot si FPJ ng: "I have. That is true."
Pero iginiit ni FPJ na bahagi na lamang ng kanyang nakaraan ang naging relasyon niya kay Ana Marin.
Bagaman at matagal nang natsi-tsismis ang pagkakaroon ng anak sa labas ni FPJ, una niya itong inamin kagabi sa panayam ng "Bio-data."
Sa kabila na tanggap na ng lipunan ang pagkakaroon ng anak sa labas, maituturing pa ring isang dagok sa kandidatura ni FPJ ang ginawa niyang pag-amin dahil 80 porsiyento ng mga Filipino ay mga Katoliko.
Nagbigay batik din ito sa ipinapakita niyang malinis na imahe sa publiko kung saan kinikilala siya ng kanyang mga supporters bilang "man of unimpeachable integrity" na may clean-living image.
Hindi naman mahagilap si FPJ upang ibigay ang kanyang panig, bagaman at inamin ng spokesman nitong si Rod Reyes na walang anak ang aktor sa kanyang asawang si actress Susan Roces.
Sinabi ni Reyes na maituturing na isang revelation ang pag-amin ni FPJ at naniniwala ito na mas makakabuti sa aktor ang kanyang pag-amin na mayroon siyang anak sa labas.
Isa sa mga ibinabatong isyu kay FPJ, na isang high school drop-out, ay ang kawalan nito ng karanasan sa pulitika.
Ang kanyang matalik na kaibigan na si dating Pangulong Joseph Estrada ang nagtulak kay FPJ para tumakbo ngayong May 2004 elections. Si Estrada ay una nang umaming maraming anak sa labas. (Ulat ni Malou Rongalerios)