Ayon kay Sotto, ikagugulat ng kampo ni Manapat ang ihaharap na mga bagong ebidensya sa senate on electoral reforms na pinamumunuan ni Sen. Edgardo Engara at blue ribbon committe ni Sen. Joker Arroyo.
Kabilang aniya sa dadalo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng senado ay sina Manapat, ang tatlong naunang witness na sina Vecelyn Tarin, Rommel Talabis at Emman Llanera.
Ipinatawag din ng Senado sina Atty. Victorino Fornier, kapatid na si Andresito at researcher na si Liezel Punongbayan na hindi dumalo sa naunang pagdinig.
Sinabi ni Sotto na matibay ang mga ihaharap na ebidensya upang idiin si Manapat at tukuyin ang mga personalidad na nasa likod ng ginawang pamemeke sa dokumento ng magulang ni FPJ.
Samantala, hinikayat ni Sotto ang Comelec na ilabas na nito ang sinasabing desisyon ng en banc kaugnay sa isinampang motion for reconsideration ni Fornier kaugnay sa pagkuwestiyon sa citizenship ni FPJ.
Aniya, mayroon silang natanggap na report na tapos na ang desisyon ng Comelec en banc kung saan ay mayroong botong 5-2 na nagbabasura sa mosyon ni Fornier laban sa Da King. (Ulat ni Rudy Andal)