^

Bansa

Pagdinig sa disqualification vs FPJ sinimulan ng Comelec

-
Naging mainit ang palitan ng akusasyon sa pagitan ng kampo ni Fernando Poe Jr. at petitioner ng disqualification case nito sa unang araw ng pagdinig kahapon sa session hall ng Comelec.

Nagprisinta ng 21-ebidensiya ang kampo ni FPJ na pinamumunuan ng kanyang legal counsel na si Atty. Estelito Mendoza na nagpapatunay na isa siyang natural-Filipino born citizen, habang dalawang ebidensiya sa panig ng petitioner sa pamumuno ni Atty. Victorino Fornier.

Sa petisyon, nagsumite ng mga dokumento sina Fornier na pinapatunayang si FPJ ay hindi tunay na Pinoy kundi isang Amerikano dahil ang kanyang inang si Bessie Kelley ay isang Amerikana at hindi kasal sa kanyang amang si Allan Fernando Poe.

Sa ilalim ng batas, ang isang illegitimate na anak ay dapat na isunod sa citizenship ng kanyang ina.

Subalit iginiit ng depensa ang opinion #49 series of 1995 ng DOJ secretary, sa ilalim ng Constitution, na nagsasaad na "The illegitimate or legitimate child may acquire the citizenship of the father."

Kabilang sa mga iprinisintang ebidensiya ng depensa ang mga birth certificates ng kanyang mga kapatid na sina Andi Poe, Baby Poe, Martha Genevive Poe, Evangeline Poe at deklarasyon ni Ruby Kelley Mangahas na nagpapatunay na ang kanyang kapatid na si Bessie ay kasal sa ama ni FPJ.

Kabilang rin sa iprinisinta ng panig ni Poe ang mga ebidensiya na si Lorenzo Poe o Pou, na lolo ni FPJ, ay isang Filipino.

Gayunman, kinuwestiyon ng petitioner na hindi maaaring gamitin ng defense panel na ebidensiya ang mga isinumiteng certificate of title ni Lorenzo Poe na siyang patunay na Filipino si FPJ dahil walang dokumentong nagpapatunay na ang Lorenzo Poe at Lorenzo Pou ay iisang tao lamang.

Kinuwestiyon din ni Fornier ang marriage contract nina FPJ at Bessie Kelley na isinumite ng panel ng depensa dahil hindi magkatugma sa petsa ng araw ng kasal na isinumite ng petitioner.

Iniharap pa ng petitioner si Atty. Ricardo Manapat, director ng National Arhives Records and Management Office upang patunayan na nagmula sa kanya ang isinumite ng petitioner na birth certificate ni FPJ at marriage contract ng kanyang ama at unang asawa nitong si Paulita Gomez. Ito ay base sa kanilang mga lumang rekord.

Kasama rin sa isinumite nina Fornier ang dokumento ng bigamy case laban sa ama ni FPJ at Kelley.

Taliwas nito, ipinakita ni Atty. Mendoza ang dokumento na sinertipikahan ni Estrella Domingo, nakalagdang officer-in-charge ng nasabing tanggapan na wala silang rekord ng birth certificate ni FPJ at marriage contract ng magulang nito na si Allan Fernando Poe at Bessie Kelley.

Ipinagtaka ng defense panel kung saan nakuha ni Fornier at Manapat ang kopya ng marriage contract nina Poe at Kelley at birth certificate ni FPJ dahil lumalabas na walang rekord dito ang Archives office, ayon na rin kay Estrella.

Binigyan ng Comele ang mga ito ng 2-araw upang magsumite ng memorandum na siyang pagbabasehan sa ipalalabas na resolusyon sa kaso.

Mayroon man o walang memorandum ang magkabilang kampo ay magpapalabas ito ng resolusyon.

Hindi naman kinailangang dumalo si FPJ sa paglilitis dahil hindi naman ito sinubpoena ng Comelec. (Ulat ni Ellen Fernando)

ALLAN FERNANDO POE

ANDI POE

BABY POE

BESSIE KELLEY

COMELEC

FORNIER

FPJ

LORENZO POE

POE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with