Ayon kay NPA spokesman Gregorio "Ka Roger" Rosal, ayaw na nilang makipag-usap kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at mas pinili nilang padalhan ng sulat bilang imbitasyon sina action king Fernando Poe Jr., dating Education Secretary Raul Roco at Jesus is Lord leader Eddie Villanueva para sa itinakdang pagpupulong.
Sinabi ni Rosal na makikipag-ugnayan lamang ang tatlong nabanggit na presidentiables sa National Democratic Front-Communist Party of the Philippines(NDF-CPP)-NPA negotiating panel sa The Netherlands.
Gayunman, wala pang tugon sina Poe, Roco at Villanueva sa kahilingan ng NPA.
Una nang nagpahayag ang NPA sa isang press briefing sa isang kuta nito sa liblib na lugar na magsasagawa ang mga ito ng serye ng pag-atake upang pabagsakin ang Arroyo government kabilang na ang pagsalakay sa mga sundalong Amerikano na nagsasagawa ng pagsasanay sa militar.
Sinabi pa ni Ka Roger na imposible na ang peace talks sa pagitan ng NDF-CPP-NPA dahil sa ayaw na nilang pakipag-usap sa Pangulo.
Dapat ay ngayong Enero isasagawa ng gobyerno ang peace talks sa pagitan ng NPA subalit di natuloy ito matapos na magpahayag ang mga lider ng NPA na traydor ang Arroyo government dahil sa patuloy na paglabag sa kasunduan. (Ulat ni Ellen Fernando)