Buy bust shootout: 3 tigok

Dalawang miyembro ng sindikato ng droga at isang police asset ang iniulat na nasawi sa naganap na shootout makaraang mabuking ang isinagawang buy-bust operation ng mga kagawad ng Western Police District (WPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon ng madaling araw sa lungsod ng Maynila.

Nakilala ang mga nasawi na sina Eric Dino at Ike Esguerra, pinaniniwalaang miyembro ng sindikato ng droga at ang police asset na si Richard Elnar.

Sugatan din sa naturang insidente ang isa pang suspek na nakilalang si Jun Esguerra.

Sa ulat ng WPD, naganap ang engkuwentro dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Binondo, Maynila matapos na makipagkoordinasyon ang PDEA sa WPD ukol sa naturang operasyon.

Isang asset ng mga pulis ang nagpanggap na bibili ng droga sa mga suspek at sa gitna ng bentahan ay nakahalata ang grupo ng mga suspek na isang patibong ang isinasagawang bilihan makaraang mamataan sa paligid ang mga pulis na nakasibilyan habang nagaganap ang bentahan.

Dito na nakipagbarilan ang mga suspek sa mga pulis na nakapaligid sa kanila.

Ilang minutong nagpalitan ng putok ang magkabilang panig, gayunman minalas na nahagip rin ng bala ang asset nilang si Elnar. Dalawa rin sa mga suspek ang nasawi.

Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang 80 gramo ng hinihinalang shabu, isang Toyota Hi-Lux, isang kalibre.45 at kalibre.38 baril. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments