'Probe Roco' hirit ng governors

Totoo bang ibinulsa ni Raul Roco ang may P18 milyong "kickback" mula sa mga kontrata sa Department of Education noong siya pa ang kalihim ng ahensiya at mga proyektong pinondohan ng kanyang pork barrel noong senador pa siya?

Ito ang gustong malaman ng mga gobernador ng Bicol region matapos sumabit ang pangalan ni Roco sa mga illegal na transaksiyon na ibinulgar ni Calabanga, Camarines Sur Vice Mayor Ramoncito Roco Robles na pinsan at sinasabing bagman ni Roco.

"Dapat na matapos ang imbestigasyon bago mag-file ng kandidatura si Raul Roco sa Disyembre para magkaroon siya ng pagkakataon na malinis ang kanyang pangalan," wika ng isa sa mga gobernador na humiling ng anonymity. "Kung mapapatunayan naman na sangkot siya sa mga anomalya ay dapat siyang kasuhan."

Sa ginawang pagbubulgar ni Robles, sinabi niya na siya ang nagsilbing kolektor ng mga komisyon ni Roco mula sa mga kontratista at suppliers ng DepEd na pinaburan umano ng dating kalihim.

Si Robles din umano ang bagman ni Roco sa mga kontrata na pinondohan ng pork barrel ni Roco noong senador pa siya at mariing sinabi ni Robles na kay Roco mismo niya inabot ang milyun-milyong kickback.

Naniniwala ang mga gobernador na ang kinasasangkutang kasong P2.885 milyon textbook scam ni Robles at dalawang kapatid ni Roco na sina Camarines Sur Rep. Sulpicio Roco at Naga City LTO chief Ramon Roco ay nagpapahiwatig na maaaring may nangyayaring milagro noong si Raul Roco pa ang hepe ng DepEd.

Ang nagsampa ng kaso laban sa tatlo sa Ombudsman ay si Maria Rowena Sambeli-Enesio.

Sinabi naman ni Sulpicio na may halong pulitika ang ginawang pagdawit ni Robles kay Raul Roco ngunit sinabi ng isa sa mga gobernador na kung walang kinalaman ang mga Roco, ano ang isinauli ni Ramon Roco na P600,000 kay Enesio?

Ayon kay Robles, aabot sa P18 milyon ang kickback ni Raul Roco mula sa pork barrel projects niya at DepEd contracts sa ilalim ng pamumuno niya.

"Hindi lang kaming mga gobernador kundi maging ang lahat ng mga Bikolano ay nagnanais na malaman ang katotohanan ukol dito dahil si Roco ay kapwa namin Bikolano," wika ng gobernador. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments