Sisiyasatin ng Senado ngayong araw ang hindi umano pagbabayad ng reward money sa mga informer ng illegal drug syndicates sa bansa.
Sinabi Sen. Robert Barbers, chairman ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na nakasaad sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na dapat bayaran ang mga impormante.
Aniya, aalamin ng kanyang komite sa pamamagitan ng Senate inquiry ang naging dahilan upang ipitin o hindi ibigay sa mga informant ang kanilang reward money.
Sinabi ni Barbers na buhay ang naging puhunan ng mga informant at assets na ito upang ituro ang mga shabu laboratories kaya dapat na ibigay ang pabuya na nakalaan sa mga ito na nakatakda sa batas.
Si Atty. Rey Bagatsing na kilalang human rights lawyer ang magrerepresenta sa mga informants sa pagdinig sa Senado.
Kabilang sa inaasahang dadalo sa inquiry ngayong araw sina PDEA chief Usec. Anselmo Avenido, DILG Sec. Joey Lina, PNP chief Hermogenes Ebdane at iba pang opisyal. (Ulat ni Rudy Andal)