Coup plot vs GMA haharangin ng AFP

Hahadlangan ng puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang anumang uri ng banta upang pabagsakin ang administrasyon ni Pangulong Arroyo.

Ito ang muling tiniyak kahapon ni AFP chief of staff Gen. Narciso Abaya sa gitna na rin ng namumuong krisis sa pulitika bunga ng kinakaharap na impeachment ni Supreme Court (SC) Chief Justice Hilario Davide Jr.

Kasabay nito, pinabulaanan ni Abaya ang napaulat na may namumuo na namang plano mula sa hanay ng mga dismayadong opisyal at tauhan ng militar para maglunsad ng kudeta laban sa pamahalaan.

Kamakalawa ay iniutos ng Pangulo ang pagpapalaya sa kabuuang 133 opisyal at mga enlisted personnel ng AFP sa ilalim ng Magdalo Group na sangkot sa paglulunsad ng mutiny laban sa pamahalaan noong Hulyo 27.

Siniguro naman ni AFP vice chief of staff at spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia na hindi na mauulit pa ang Oakwood mutiny sa kabila ng nararanasang constitutional crisis sa bansa. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments