ICT sa public schools isinusulong ni Oreta

Inihayag kahapon ni Sen. Tessie Aquino-Oreta na makakasabay na ang mga estudyante sa pampublikong paaralan sa paggamit ng Information and Communications Technology (ICT) sa iba’t ibang subjects nito sa may 1,000 public schools sa bansa.

Ayon kay Sen. Oreta, isang memorandum of agreement ang nilagdaan niya at ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng proyektong "Gabay sa Pagtuturo" para sa ganap na modernisasyon ng edukasyon sa pampublikong paaralan.

Wika pa ni Oreta, sa ilalim ng kasunduan ay magagamit na ang ICT ng mga guro sa may 1,000 paaralan sa bansa sa mga subjects na English, Math, Science, Technology and Livelihood Education.

Aniya, kahit ilunsad ng gobyerno ang mga computer laboratories ay natuklasan din sa pag-aaral ng DepEd at DOST na mababa pa rin ang porsyento ng ICT application sa mga subjects nito sa pampublikong paaralan.

Ipinaliwanag pa ni Oreta, ang mga computer-aided instruction software ay gagamitin sa multi-media-capable high schools sa major academic subjects sa mga pampublikong paaralan.

Tutulungan ni Oreta ang proyektong Gabay sa Pagtuturo sa pamamagitan ng kanyang priority development assistance fund o pork barrel para sa kapakanan ng mga mag-aaral sa public schools para maging bihasa sa ICT.

Bilang panimula ng proyekto ay magsisimula ito sa produksyon ng mga computer-aided instruction software sa English na gagamitin ng mga 4th years students na irerekomenda ng Bureau of Secondary Education. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments