Sinabi ni Sen. Edgardo Angara, pangulo ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP), na isang mapagkakatiwalaang source ang nagsabi sa kanya na kamakalawa pa ng gabi umano nagpasya si Sen. de Castro na lumahok sa presidential race sa 2004.
Bagamat wala pang pormal na pahayag si de Castro sa kanyang planong kumandidato sa pagka-pangulo, sinabi ng source na kung pagbabasehan umano ang mga provincial tours na isinasagawa ngayon ni de Castro ay senyales na ito ng kanyang maagang pangangampanya.
Gayunman, hindi lang malinaw kung sa oposisyon o bilang independent tatakbo si de Castro.
Kasama si de Castro sa short list bilang standard bearer ng United Opposition.
Ayon naman kay de Castro, kuryente ang source ni Angara at sa ngayon ay undecided pa siya.
Bukod kay de Castro, wika pa ni Angara, nasa listahan rin ng posibleng maging standard bearer sina action king Fernando Poe Jr., Danding Cojuangco, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Gringo Honasan at Sen. Aquilino Pimentel Jr.
Sinabi naman ni Sen. Pimentel hindi pupuwedeng maging kandidato ng oposisyon si de Castro dahil ito ay nasa panig ng administrasyon.
Wika pa ni Pimentel, siguro ay pupuwedeng maging running mate siya ni Pangulong Arroyo o maging standard bearer siya ng People Power Coalition (PPC) o Lakas at kumbinsihin na lamang niya si GMA na tumakbo bilang vice-president niya. (Ulat ni Rudy Andal)