"Nananawagan kami sa kapwa namin mga abugado at sa mamamayang Pilipino na ipagtanggol ang Kataas-Taasang Hukuman laban sa mga makasariling pulitiko na nagkukunwaring mga lingkod ng bayan at ginagamit ang mass media upang sirain ang integridad at reputasyon ng Korte Suprema," ayon sa resolusyong pinagtibay ng lupon ng mga opisyal ng Filipino Lawyers for Good Governance o FILGOOD.
Sinabi ni Atorni Ricardo Abcede, pinuno at tagapagsalita ng grupo, isang pampulitikang panunupil ng mga mapaghiganti at masasamang pulitiko ang inihain na impeachment complaint laban sa punong mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng bansa.
Aniya, ang SC ang huling muog ng demokrasya kaya hindi dapat ito sumailalim sa anumang may halong pulitikal na pagsisiyasat o pakikialam ng ilang pantas na sangay ng pamahalaan.
Ayon pa kay Abcede, hindi dapat dumaan sa kahihiyan at manikluhod sa iilang interesadong grupo ang Korte Suprema dahil mahalaga ang papel na ginagampanan nito sa lipunan ang ipagtanggol ang batas, sinuman ang tatamaan. (Ult ni Rudy Andal)