Ito ang inihayag kahapon ni Laban Rep. Bellaflor Angara-Castillo kaugnay sa malaking posibilidad na tanggapin na ni action king Fernando Poe Jr. ang alok ng oposisyon na maging standard bearer ka-tandem ni Sen. Loren Legarda.
Ayon kay Rep. Castillo, halos lahat ng matataas na lider ng oposisyon at maging si Eduardo "Danding" Cojuangco ay kumukumbinsi kay FPJ na ideklara na ang kanyang kandidatura.
Isang mapagkakatiwalaang source rin mula sa oposisyon ang kausap naman ni Lakas Rep. Jacinto Paras ang nagsabing "interesado si FPJ sa alok ng oposisyon, pero hindi pa nito maihayag sa publiko ang kanyang desisyon.
Inamin ni Rep. Paras na nakikipag-usap si FPJ kay Cojuangco na siyang founder ng Nationalist Peoples Coalition (NPC), ang ikalawa sa pinakamalaking partido sa bansa.
Ayon pa kay Castillo, nagkakaisa ang mga partidong kasapi ng oposisyong kinabibilangan ng Laban ng Demokratikong Pilipino (Laban), Partido ng Masang Pilipino (PMP) at PDP-Laban sa pagsuporta kay FPJ.
Naniniwala si Castillo na dahil sa popularidad ni FPJ at sa malinis na pangalan nito ay siguradong itataob nito ang kandidatura ni Pangulong Arroyo.
Idinagdag ni Castillo na si Senate Minority Leader Vicente Sotto III ang nakatokang kumausap kay FPJ para sa oposisyon.
Posible anyang ihayag ni FPJ ang kanyang kandidatura sa mga susunod linggo. (Ulat ni Malou Rongalerios)