Re-routing sa Bush visit

Inaasahang magkakaroon ng matinding pagsisikip ng trapiko sa pagdating ngayon ni US Pres. George Bush makaraang isara ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang ilang pangunahing lansangan sa kalakhang Maynila.

Hatinggabi pa lamang ay isinara na ang mga kalsada papuntang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), US Embassy, Malacañang at Kongreso.

Hinarangan ang kabilang bahagi ng Domestic Road, Andrew Ave., MIA Road, Ninoy Aquino Ave. at Sto. Nino Avenue, ang mga kalsadang nasasakupan ng Pasay at Parañaque City.

Nabatid na one-way (pa-west bound) ang Airport Road at ang mga sasakyang mula timog patungong Quirino Ave. at President Diosdado Macapagal Blvd. ay maaring dumaan sa Sto. Nino Ave. na itinalaga ring one way road ngayong araw na ito.

Ayon kay MMDA traffic operation center head for inspection group Efren Aguilar, ang re-reouting scheme ay may bisa hanggang nasa bansa si Bush.

Isasara rin ang ilang kalsada sa Kongreso dahil magtutungo dito si Bush para magsalita.

Kabilang sa tututukan ng mga traffic enforcer ng MMDA ang re-routing sa QC Memorial Circle, Edsa at Commonwealth Ave. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments