Sa isang press conference kahapon ng umaga, sinabi ni dating Education secretary Raul Roco na nagkasundo ang partidong Promdi ni Lito Osmeña, Reporma ni Renato de Villa at ang kanyang partidong Aksyon Demokratiko upang hanapin ang katotohanan, hustisya at mapagkakatiwalaang gobyerno na siyang layunin ng paglulunsad ng EDSA Dos.
Sinabi ni Roco na ang mga ginagawa ni Arroyo ay senyales ng pag-aabandona niya sa PPC at sa layunin ng EDSA Dos. Si Arroyo ang chairman ng PPC na binubuo naman ng partidong Lakas Christian Democrats at Liberal Party.
Noong nakaraang linggo ay inanunsiyo ng Reporma ang kanilang pagkalas sa PPC. Nangako rin ang Promdi, Reporma at Aksyon na kanilang bubuhayin ang pag-asa ng mga taong naniniwala na mayroong mangyayaring pagbabago sa EDSA Dos.
Tumanggi rin si Roco na tawagin ang kanyang partido na "third force" dahil sila umano ang "better choice." (Ulat ni Edwin Balasa)