May kumalat aniyang balita na matagal nang patay si Al-Ghozi at "nakatago" lang ito sa isang cold storage facility sa Mindanao.
Sa kabila anya na magandang balita ang pagkakapaslang kay Fathur, dapat aniyang patunayan ng administrasyon na napatay si Al-Ghozi noong Linggo lamang ng gabi sa pamamagitan ng pagsasailalim sa forensic examination sa bangkay nito upang mabatid kung kailan at ano ang dahilan ng pagkamatay nito.
Ibinunyag ni Remulla na anim na linggo na ang nakakaraan ay nakatanggap siya ng impormasyon na napatay na si Al-Ghozi kasama ang isa nitong kasamang si Abdulmukin Edris ng Abu Sayyaf sa isang military checkpoint sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Sur noong Agosto 7.
Ang naturang impormasyon ay hindi agad inilabas sa media at sa halip ay itinago ang bangkay sa isang cold storage upang palabasin umano na hinahanap pa rin ng militar ang suspek para patuloy ang kanilang funding.
Sinabi naman nina Senators Manuel Villar at Ramon Magsaysay na lalong tumibay ang hinala na hawak na talaga ng pulisya at militar ang nasabing pugante dahil sa pagsasabi nilang 100 percent na mahuhuli o mapapatay nila si Al-Ghozi.
Malaki anya ang posibilidad na rubout ang naganap sa Pigkawayan upang hindi na magsalita si Al-Ghozi kung paano siya nakatakas noong Hulyo 14 sa Camp Crame at kung sinu-sino ang nagpatakas sa kanya. (Ulat nina Malou Rongalerios/Rudy Andal)