Ayon kay Cebu Rep. Antonio Yapha Jr., chairman ng komite, sa kasalukuyan tanging limang medicinal plant products ang kinikilala o inaprubahan ng Bureau of Food and Drugs na ibenta sa pamilihan.
Ang mga ito ay Lagundi (para sa ubo at asthma); Yerba Buena (pain); Sambong (mild hypertension;);Tsaang Gubat (colic) at Akapulko (tinea infections).
Umaasa si Yapha na sa pamamagitan nito ay makatipid ang pamahalaan at maging self-sufficient sa pangangailangang gamot ng sambayanang Pilipino.
Kapag naging ganap na batas, hindi lamang nito matutulungan ang local pharmaceutical industry na maging competitive kundi makakatulong din ito sa pagbibigay ng trabaho.
Sa ilalim kasi ng panukala, binibigyan nito ng preferential use ang paggamit sa Filipino labor, indigenous materials at locally produced goods.
Matututo rin aniya ang industriya na huwag masyadong umasa sa dayuhang teknolohiya at sa halip sa sariling kakayahan ng mga Pinoy at sa masaganang natural resources ng bansa. (Ulat ni Malou Rongalerios)