Sa 31-pahinang desisyon ng SC, inutos ang pag-aalis ng kasong multiple murder sa sala ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Teresa Yaddao at ipinababalik kay Executive Judge Jose Mendoza ng QCRTC upang mai-raffle at masimulan ang pagdinig nito sa isang special court.
Hindi na rin muling makakatakbo sa SC si Lacson dahil ang nasabing motion ay pinal na ang pagkakabasura.
Sa naganap na sesyon ng mga mahistrado, walo dito ang pumabor na muling mabuksan ang multiple murder case habang sina Associate Justice Dante Tinga at Antonio Corona ay nag-inhibit sa nasabing deliberasyon at di naman nagpartisipa si Associate Justice Renato Corona dahil sa pagkakaroon nito ng karamdaman.
Sa oras na maibalik ang nabanggit na kaso sa QCRTC at mai-raffle ay makakapagpalabas na ito ng arrest warrant kung saan maaari nang arestuhin si Lacson ano mang oras at masimulan na ang pormal na paglilitis dito.
Ang kaso ng Kuratong Baleleng ay una nang ibinasura noong Oct. 20, 1995 sa Ombudsman for Military Affairs; March 29, 1999 sa QCRTC branch 81; August 24, 2002 at May 28, 2002 sa Court of Appeals (CA) at SC.
Kasamang nasampahan ng kaso sina Supts. Jewel Canson at Romeo Acop, C/Supt. Francisco Zubia Jr., Sr. Supts. Michael Ray Aquino at Cesar Mancao. (Ulat ni Grace dela Cruz)