General sa 15-30 cops ikulong - GMA

Iniutos kahapon ni Pangulong Arroyo na ikulong ang mga police generals at iba pang opisyal ng Philippine National Police na mapapatunayang nakinabang sa 1,095 "ghost cops" na pumapasok lamang tuwing araw ng suweldo.

Ang babala ay kasunod ng direktiba ng Pangulo sa lahat na kinauukulang departamento at ahensiya ng PNP na busisiing mabuti ang natuklasang nawawalang mga pulis na kumokolekta ng sahod tuwing a-kinse at katapusan ng buwan.

Ayon sa report ng National Police Commission, ang mga nawawalang pulis ay kinabibilangan ng 12 PNP officials na ang pinakamataas ay senior superintendent at 10 non-commissioned officers.

Walo sa mga "ghost cops" ay nakalista sa Directorial Staff for Administration ay AWOL sa nakalipas na maraming buwan; 159 mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG); 98 sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA); 45 sa Philippine Anti-Crime Emergency Response (PACER); 32 sa Civil Security Group at 549 mula sa Security Protection Office.

Ayon sa Pangulo, ang isyung ito ay siyang pinakamalalang uri ng pangungulimbat sa kaban ng bayan lalo na’t ang nasa likod nito ay mga tagapagpatupad ng batas.

"Those who benefit from it should go to jail," anang Pangulo. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments