Senado nag-aaksaya lang ng oras sa Pidal probe

Hinikayat kahapon ni House Deputy Speaker Raul Gonzalez ang Senado na magpakita ng matibay na ebidensiya kaugnay sa Jose Pidal account upang hindi masayang ang kanilang oras sa isinasagawang imbestigasyon laban kay First Gentleman Mike Arroyo.

Ayon kay Gonzalez, dapat na suspindihin na lamang muna ng Senado ang imbestigasyon hanggat wala silang pinanghahawakang matibay na ebidensiya na magdidiin kay Arroyo sa Jose Pidal accounts.

Hinamon din ni Gonzalez si Sen. Panfilo Lacson na magbitiw sa kanyang puwesto kapag napatunayan na mayroon itong mga bank accounts sa Amerika.

Kabilang sa mga nakahaing reklamo laban kay Lacson sa Office of the Ombudsman ang perjury dahil sa hindi umano nito pagsasama ng kanyang dollar deposits sa ibang bansa sa taong 1995, 1997, 1998 at 2000.

Muling iginiit ni Gonzalez na inuupuan ng Ombudsman ang nasabing reklamo dahil hindi pa rin ito nagpapalabas ng desisyon. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments