Ito ang pagbabantang sinabi kahapon ng mga opisyal at miyembro ng Philpost kabilang dito ang Kapisanan ng mga Kawani ng Koreo sa Pilipinas (KKKP), Postal Employees Union of the Philippines, Philpost Rank and File Association Inc. at Postal Corp. Employees Association.
Ayon kay KKKP president Edmundo Estavillo, nanawagan umano sila kay Pangulong Arroyo na isama na rin ang mga opisyal ng Philpost sa lifestyle check dahil sa anilay talamak na pangungurakot ng mga ito.
Kabilang sa mga tinutukoy ng mga nasabing grupo na isailalim sa lifestyle check sina Postmaster General ret. Gen. Diomedio Villanueva, Assistant Postmaster General for Operations Rodolfo Albarado, administration chief Felipe Hidalgo, building inspection security chief ret. Col. Felipe Rabago at isang ret. Col. Andaya.
Nilinaw pa ni Estavillo na namumuhay umano ng marangya ang mga nasabing opisyal at gumagamit ng mga magagarang sasakyan na hindi umano nila maaaring mabili kung ang sahod lamang nila ang pagbabasehan ng mga ito.
Nais din ng mga ito na magkaroon ng transparency sa ibinigay na P5 bilyong initial payment ng isang Japanese firm para sa privatization ng Philpost kung saan mahigpit din nilang tinutulan ito.
Kaugnay nito kaya nagbanta ang nasabing mga grupo na magsasagawa ng malawakang kilos-protesta at paparalisahin ang operasyon ng Philpost kapag hindi tinugon ni Pangulong Arroyo ang panawagang lifestyle check sa mga opisyal ng nasabing ahensiya. (Ulat ni Gemma Amargo)