Ayon kay Lina, sa pamamagitan ng pagsusuri ay malalantad sa publiko ang katotohanan kung may kinalaman ang senador sa marahas na aksyon ng Magdalo Group.
Si Honasan kasama ang iba pa ay nahaharap sa kasong kudeta na isinampa sa Department of Justice (DOJ) matapos na iturong utak ng rebelyon sa pagtatangkang ibagsak ang administrasyong Arroyo.
Bagaman itinanggi ni Honasan na siya ang nasa likod ng bigong kudeta na pinamunuan ni Lt. Sr. Grade Antonio Trillanes, hinamon ni Lina ang Senador na sumailalim sa pagsusuri.
Samantala, posibleng gamitin ng DOJ ang naging pahayag ni Trillanes ukol sa umanoy sabwatan ng militar at ng mga rebelde sa isinasagawa namang hiwalay na imbestigasyon sa mga isiniwalat ni Gracia Burnham, ang Amerikanang nakaligtas sa mga kamay ng mga rebeldeng Abu Sayyaf.
Sinabi ni Justice Usec. Merceditas Gutierrez, maaari nilang ikonsidera ang mga akusasyong ibinato ni Trillanes laban sa AFP sa binubuo nilang rekomendasyon tungkol sa nilalaman ng librong isinulat ni Burnham na "In The Presence of My Enemies".
Anila, may magkakatugmang testimonya sina Trillanes at Burnham hinggil sa sabwatan ng matataas na opisyal ng AFP at mga rebelde. (Ulat nina Joy Cantos/Grace dela Cruz)