Sundalo, binawian ng award sa pagkakasangkot sa kudeta

Nabulilyaso ang ibibigay na parangal sa isang kagawad ng Phil. Navy na ika-10 awardee ng Outstanding Philippine Soldiers 2003 matapos bawiin ni Pangulong Arroyo ang parangal sa kanya.

Si electronic technician chief Leonito Fermin ng Navy na ang ranggo ay katumbas ng master sergeant, ay kasama sana sa siyam na ginawaran ng parangal ng Pangulo na bibigyan ng tropeo, cash na P100,000 at isang kalibre .45 baril.

Ayon sa mga organizer ng parangal, nasangkot si Fermin sa Makati mutiny at ito ay kasalukuyang nakakulong sa Sangley Point, Cavite kaya binura na ito sa listahan ng mga bibigyan ng award.

Kinilala ng Pangulo ang katapatan ng mga sundalong ito sa Konstitusyon at magandang performance sa serbisyo.

Ang mga pinarangalang sundalo ay pawang mga sumabak sa Mindanao laban sa Abu Sayayf at NPA. Itinataguyod ito ng Rotary Club of Makati Metro at Metrobank Foundation Inc. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments