Al-Ghozi nasakote sa Mindanao

Naaresto na umano ang puganteng Indonesian terrorist na si Fathur Rohman Al-Ghozi sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa General Santos City kahapon.

Umugong ang balitang nahuli na ng mga awtoridad si Al-Ghozi makaraang magtungo doon si PNP Chief Gen. Hermogenes Ebdane para makipagkita umano sa mga taong may hawak kay Al-Ghozi.

Nakatakda umano itong iharap sa media sa Davao City bago dalhin pabalik sa Maynila, subalit naiba ang plano at malamang sa SONA ni Pangulong Arroyo sa Lunes ito ihaharap.

"Ang feedback sa atin ay nahuli na si Al-Ghozi sa General Santos City, kung nahuli man siya, bahala ang PNP mag-announce dahil sa kanila nakatakas eh, baka para dun sa State of the Nation Address (SONA) ni President," pahayag ng isang military source na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Si Ebdane ay personal na nagtungo sa General Santos upang personal na pangasiwaan ang pag-aresto kay Al-Ghozi. May ilang araw na rin itong nagpapabalik-balik sa Central Mindanao kaugnay na rin ng nakalap na impormasyon na nagtatago sa nasabing lugar ang LRT bomber.

Una rito, ipinangako ni Ebdane na maibabalik nila sa kulungan sa loob ng tatlong araw si Al-Ghozi at ang dalawa pang lokal na terorista na kasama nitong tumakas sa detention cell ng PNP-Intelligence Group sa Camp Crame.

Gayunman, sa kabila ng maugong na balita ukol sa pagkakadakip kay Al-Ghozi, ni isa sa mga opisyal ng PNP ay tumatangging magkomento subalit tiniyak naman ng mga ito na inaasahang mailalabas na nila anumang oras sa susunod na mga araw si Al-Ghozi.

Kaugnay nito, pormal na ring sinampahan kahapon ng kasong graft sa Ombudsman ang pitong pulis ng PNP-IG na sinasabing may kinalaman sa pagtakas ng tatlong terorista.

Ito’y sina P/Supt. Reuben "Fritz" Galban, chief ng Liason Office ng PNP-IG; P/Supt. Carlito Natanauan, chief ng PNP-IG Headquarters Support Service; P/Supt. Guillermo Danipog, duty officer; P/Insp. James Dime, mga bantay na sina SPO3 Ruperto Principe, PO2 George Domingo at PO1 Ronald Palmares.

Ang nasabing mga opisyal na hinihinalang tumanggap ng malaking halaga ng suhol kapalit ng pagpapalaya kina Al-Ghozi ay kinasuhan sanhi ng "undue injury" o matinding kahihiyan na idinulot ng mga ito sa pamahalaan dahil sa kapabayaan sa tungkulin.(Ulat ni Joy Cantos)

Show comments