Bumagsak sa lie test si Supt. Reuben Galban at isa pang opisyal nang tanungin sila kung may kinalaman sa pagpapatakas sa tatlong terorista.
Ginawa umano ang pagpapatakas upang hiyain si Pangulong Arroyo sa international community at ipasibak si PNP Chief Hermogenes Ebdane.
Ilang matataas na opisyal ng PNP ang napabalitang nag-aaway-away para sa posisyon ni Ebdane.
Samantala, pinakalat ni Ebdane ang pinakamalaking search team na aabot sa 500,000 operatiba para tugisin ang mga puganteng sina Al-Ghozi at dalawang bomb expert ng Abu Sayyaf na sina Abdulmukin Edris at Omar Lasal.
Pinagsama-sama ni Ebdane ang may 300,000 security guards at daan-daang libong barangay tanods mula sa 42,000 barangays sa bansa upang makipagtulungan sa PNP sa paghuli sa mga pugante sa pinakamalaking manhunt operation sa kasaysayan ng pambansang pulisya.
Naniniwala si Ebdane na sa pamamagitan ng puwersang ito at tulong ng mamamayan, mahuhuli ang mga terorista na maaaring nasa Metro Manila pa sa ngayon. (Ulat ni Joy Cantos)