Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Joey Lina na nakatakdang idaos ang serye ng drug tests para sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa buwan ng Setyembre matapos siyang makipagpulong sa mga opisyal ng Phil. Drug Enforcement Agency Department of Health at Department of Education na nagbalangkas na rin ng implementing rules and guidelines para sa isasagawang drug tests.
Ayon kay Lina, nagsagawa na sila ng serye ng public consultations sa buong bansa ukol dito at itoy sinang-ayunan naman ng maraming magulang.
Confidential ang lahat ng impormasyon tungkol sa nasabing drug test at nagbabala si Lina na parurusahan ang sinumang opisyal na magbubunyag ng resulta ng nasabing test.
Inihayag din ni Lina na sasailalim rin sa drug testing ang lahat ng empleyado ng pamahalaan.
Nagpulong na ang mga kinatawan ng Civil Service Commission at Confederation for Unity, Recognition and Advancement for Government Employee (COURAGE) upang mapalakas ang drug-free workplace campaign ng pamahalaan.
Sa ilalim ng programa, ang lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaan ay sasailalim sa random drug testing habang ang mga drivers at aplikante sa promotion, transfer scholarship grants ay sasailalim sa mandatory drug testing.
Lahat ng empleyado ng pamahalaan na mapapatunayang positibo sa illegal na droga ay sasampahan ng kasong administratibo at sasailalim sa rehabilitation alinsunod sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Ulat ni Anna Sanchez)