Sa isang radio interview ng Radio Mindanao Network (RMN) News Manila, isang nagpakilalang Mr. Sulayman mula sa Indonesia ang nagsabi na nasa Jakarta, Indonesia na si Al-Ghozi at si Gen. Gil umano ang nagplano ng pagtakas nito.
Ayon kay Sulayman, si Gil at isang P/Col. Guillermo Danipog umano ang umeskort at naghatid kay Al-Ghozi sa Malaysia kung saan nangyari ang bayaran matapos itong madiskubreng nawawala sa kanyang selda sa PNP-IG.
"We have Al-Ghozi now, itinurnover siya sa amin ni Gen. Gil at ni Col. Danipog kapalit ng $10 million," ani Sulaiman na nagpakilalang miyembro ng Al-Rahman group, isang lokal na grupo ng mga terorista sa Indonesia.
Nang tanungin kung nasa Malaysia din ang dalawang tumakas na bomb expert ng Abu Sayyaf, "only Fathur Al-ghozi," ang sagot ni Sulayman.
Napag-alaman na si Sulayman ay tumawag sa RMN Manila at RMN USA kung saan lumitaw na talagang galing sa Malaysia ang tawag nito.
Sa panayam, sinabi ni Gil na hindi siya lumabas ng bansa, hindi pa niya nakikita si Al-Ghozi gayundin si Sulayman at wala siyang itiniturnover na Indon terrorist kapalit ng $10 milyon.
Ayon kay Gil, isang malaking kasinungalingan ang sinasabi ni Sulayman at handa siyang sumailalim sa imbestigasyon ng Malacañang upang malinis ang kanyang pangalan.
Naniniwala si Gil na bahagi ng demolition job ang pangunahing motibo ng pagpapasabog ng nasabing kontrobersiya laban sa kanya dahil isa siya sa kandidato na papalit bilang hepe ng PNP.
Si Gil ang itinuturing na no.2 man ng PNP at isa sa mga malalakas na contender para pumalit kay PNP Chief Gen. Hermogenes Ebdane kung saan makakalaban nito sa puwesto sina PNP Directorate for Administration P/Deputy Director Gen. Edgardo Aglipay at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/Director Reynaldo Velasco.
Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, mabigat ang mga akusasyon kay Gil at hindi ito maaaring isantabi ng Palasyo.
Pero sinabi ni Bunye na kailangang beripikahin ang statement ni Sulayman.
Binigyan na ng kopya ng tape interview si National Security Adviser Roilo Golez at Defense Secretary Angelo Reyes at agad ng isinalin sa intelligence community upang beripikahin ang katotohanan ng alegasyon.
Magugunita na apat na pulis na ang sinampahan ng kasong infidelity in the custody of prisoners na kinabibilangan nina Col. Danipog, group duty officer; P/Insp. James Dime, officer of the day; SPO3 Ruperto Principe, Sgt. of the guard at PO1 Ronald Palmares, jailguard.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang tanggapan ni Defense Secretary Reyes sa counterparts nito sa Jakarta upang magsagawa ng beripikasyon sa ulat na ang international terrorist group na Al-Rahman ang nasa likod ng pagtakas ni Al-Ghozi.
Sa kasalukuyan ay maituturing na pawang espekulasyon pa lamang ang mga ulat na nakalabas na ng bansa si Al-Ghozi at hawak ngayon ng Al-Rahman.
Sinabi ng senador na kung pagtatagpiin ang mga insidente ng kapabayaan ng PNP at ng pamahalaan, maliwanag na hindi tumakas si Al-Ghozi at dalawa pang bomb expert ng Abu Sayyaf kundi sadyang pinatakas.
Aniya, nakapaghihinala umano ang mga depensang ipinapalabas ng pulisya. Una rito ay kung bakit pinatagal ng pulisya ang pagbabalita hinggil sa pagtakas ng terorista at ang pangalawa, ay kung bakit atrasado din ang Bureau of Immigration sa pagpapalabas ng hold departure order.
Maaari umanong siniguro muna na wala na sa Pilipinas si Al-Ghozi.
Nabatid na matagal nang inaarbor ng Indonesian government si Al-Ghozi at ito ang lalong nagpatibay sa kanyang hinala na scripted lamang ang naturang pagtakas.
Ayon kay Velasco, malaking tulong ang pagpapakalat ng may 23,000 tanod at 16,000 sekyu para sa isinasagawang massive manhunt laban kina Al-Ghozi, Abdulmukin Edris at Merang Abante.
Sinabi ni Velasco na ikakalat ang larawan ng tatlo hindi lamang sa ibat ibang police stations kundi pati na rin sa mga vital installation partikular na ang mga terminal. ((Ulat ni Rudy Andal, Joy Cantos,Ely Saludar at Doris Franche)