Sa kanyang direktiba sa mga awtoridad, sinabi ng Pangulo na hindi lang dapat na ituon ang kampanya laban sa maliliit na tao at mahihirap na komunidad kundi pati ang mga nabibilang sa matataas na antas ng lipunan ay huhulihin sa crackdown.
Wala anyang kinikilalang uri ng pamumuhay ang kampanya laban sa illegal drugs dahil lahat ay apektado ng masamang bisyo.
"I am demanding from authorities a top to bottom campaign that not only targets the poor communities but also the rich and the famous. The drug menace is all pervading and cuts across all social classes. Our campaign must be total and blind to wealth or social status. It shall not spare the high and mighty from the force of law," wika ng Pangulo.
Kasabay nito, ipapaskil sa mga bulletin board o billboard ng mga munisipyo ang mga pangalan ng mga drug traffickers/pushers para ilantad ang karakter ng mga ito sa publiko.
Ayon kay PNP deputy chief of Administration at Anti-Illegal Drugs Task Force P/Deputy Director Edgardo Aglipay, kabilang ito sa kanilang masusing pinaplano kaugnay na rin ng pagsusulong sa "shame campaign" kontra drug pushers at operators.
Sinabi ni Aglipay na kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan partikular na sa Metro Manila para matukoy kung sinu-sino sa mga drug pushers/traffickers ang nasampahan na ng mga kaso sa korte.
Matapos na matukoy ang mga nagtutulak ng droga na may kinakaharap na kaso ay maaari ng maipaskil ang mga pangalan ng mga ito sa mga bulletin o billboard ng mga munisipyo.
Sa kasalukuyan ay iniisa-isa nang i-surveillance ng mga tauhan ni Aglipay ang mga barangay para tukuyin ang mga drug pushers na nasa likod ng pagpapakalat ng illegal na droga. (Ulat ni Lilia Tolentino)