Sa ulat ni PDEA Director General Undersecretary Anselmo Avenido, isinagawa ang pag-aresto sa drug lord na si Chen Jin Ting nitong Martes sa isang buy-bust sa naturang lunsod kung saan nakuha sa posesyon ng suspek ang ilang kilo ng shabu.
Sa isinagawang interogasyon, inamin ni Chen ang kanyang operasyon ng malawakang distribusyon ng droga sa Metro Manila at boluntaryong itinuro nito ang isang shabu laboratory sa may #79 Multinational Ave., Multinational Village, Parañaque City.
Agad bumuo ng isang raiding team ang PDEA at Regional Intelligence Security and Operations Office ng NCRPO na agad na nagsagawa ng surveillance operation sa naturang lugar.
Matapos na makumpirma ang pagiging positibo ng naturang laboratoryo, agad na kumuha ng search warrant ang mga operatiba sa Manila Regional Trial Court.
Sinalakay ng raiding team ang naturang bahay na pag-aari ng isang Jimmy Ngo at nirerentahan naman ng isang Janet Chen. Nakuha dito ang may 11 kilo ng shabu, mga kemikal sa paggawa ng droga tulad ng hydrochloric acid at sodium hydrochloride at ibat ibang mga equipment sa pagproseso ng naturang droga.
Kasalukuyang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad sina Ngo at Chen dahil sa pagkakasangkot sa naturang shabu lab habang nakadetine ang nadakip na si Chen sa PDEA detention cell.
Ayon naman kay DILG Secretary Joey Lina na ang pagkakadakip kay Ting at pagkakabunyag ng ilang shabu lab sa ilang lugar sa Maynila ay patunay lamang na hindi tumitigil ang pamahalaan sa kanilang kampanya laban sa droga. (Ulat nina Danilo Garcia,Doris Franche at Lordeth Bonilla)