Sa rekord, matapos na mapabagsak si Kassem ay pinatay ito kinaumagahan hanggang sa maging Pangulo si Abdul Salam Arif at ang relasyon ng Arabs sa kanluran ay gumanda.
Bumalik si Saddam sa Iraq mula Cairo noong Hunyo, l963 at agad na nagtrabaho bilang isang interrogator sa Fellaheen at Muthaqafeen detention camps.
Ang Fellaheen at Muthaqafeen ay ang mga kampong pinagdadalhan ng mga bihag na komunista at nahuhuling manlalakbay. Dito pinapasailalim ang mga bihag sa interogasyon at torture hanggang sa pinapatay.
Noong Abril 1966, namatay si Pres. Arif nang bumagsak ang helicopter na kanyang sinasakyan sanhi upang palitan siya ng kanyang kapatid na si General Abdul Rahman Arif.
Ang pangyayari na pagkatalo ng mga Arabs sa Israel noong 1967 ay muling nagbigay daan at oportunidad upang isulong ng Baath Party ang layuning tuluyang mapasakanila ang liderato ng Iraq at sila ang mamuno.
Plinano muli ang pagsasagawa ng kudeta at dito muling pumapel ang US.
Sa panahong ito, may dalawang bagay ang iniisip noon ng pamahalaang Iraq. Una, ang mapaunlad ang kanilang bansa sa pamamagitan ng likas na yamang langis at pangalawa ay ang kagustuhang makapagbigay ng concessions sa mga bagong oil fields sa USSR at France na tiyak na magbibigay sa Iraq ng malaking pera at yaman.
Ang presyo ng minimina na sulpher sa hilagang Iraq ay tumaas kaya maibebenta nila ito sa pandaigdigang pamilihan.
Ayon sa isang Iraqi official, galit ang US at ayaw niyang mangyari ito. Gusto ng Amerika na ang nasabing langis ay para sa American oil companies at ang sulpher ay sa kanila rin ibenta.
Iniisip umano ng Amerika na kapag nagtungo ang Iraq sa Soviet Union at France, malaking kawalan sa kanila ito.
Isa lamang ang naisip ang Amerika, ang sumuporta sa Baath Party na siyang aagaw sa rehimen. (Itutuloy)