Ayon kay Atty. Rainier Mamangun, ng Department of Foreign Affairs-Migrant Workers Affairs Office, matapos ang 30-day reprieve ay nakatakda sanang bitayin si Baginda noong Linggo, Abril 13, 2003.
Pero nilinaw ni Mamangun na hindi ipinagpaliban ang execution kay Baginda dahil sa paggunita ng Semana Santa kundi dahil posibleng tumagal ng isang linggo ang gagawing proseso ng board sa kaso.
Ang resulta ay ipapalabas ng Malaysian Federal Bureau of Prison at ipadadala naman sa central prison sa Kota Kinabalu kung saan nakapiit si Baginda.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa rin ang sagot ng Malaysian Foreign Affairs sa sulat ng mga magulang ni Baginda na bigyan ng pagkakataong mabuhay ang kanilang anak at babaan na lamang ang hatol dito.
Ito na lamang ang nalalabing pag-asa ni Baginda matapos ihayag ng Malacañang na hindi na aapela pa ang Pilipinas sa Malaysia upang masagip ang OFW matapos na ihayag ni Pangulong Arroyo na hindi na ito makikialam dahil illegal drugs ang kinasasangkutan ni Baginda.
Si Baginda ay hinatulan ng Sabah court ng death by hanging matapos na makuhanan ng may 811 gramo ng marijuana. (Ulat ni Ellen Fernando)