Pulong ni Saddam binomba

Hindi pa matiyak ang kalagayan ni Iraqi President Saddam Hussein, ang kanyang dalawang anak at miyembro ng Gabinete matapos masapol ng airstrike ang pinagdarausan ng kanilang pulong kahapon sa Baghdad.

Ang pambobomba ng US-British coalition na base umano sa intelligence report ay tinawag na "time sensitive leadership target" na naglalayong tapyasin ang lider at ni Hussein.

Ayon sa Central Command, nakatanggap sila ng intelligence report hinggil sa isang gusali malapit sa Information Ministry building sa Baghdad na sinasabing pinagtataguan ni Saddam at pinagdadausan ng pulong ng kanyang mga matataas na opisyal.

Ang pakikipagpulong ni Hussein sa binombang lugar ay base sa ibinigay na impormasyon ng isang Iraqi na nakikipagtulungan sa coalition.

Sunud-sunod na pinaulanan ng mga B-1 bombers ang nasabing gusali sanhi ng matinding pagkawasak nito.

Naniniwala umano ang Pentagon na nasa naturang binombang gusali si Hussein at kanyang Gabinete. Posible raw na namatay, nasugatan o nakatakas ang pinupuntiryang Iraqi leader.

Bukod dito, nadamay sa pambobomba ang ilang katabing apartment at restaurant ng gusali sanhi ng pagkasawi umano ng isang pamilya at pagkasugat ng 13 sibilyang Iraqis.

Nasabugan din ang TV station Al Jazeera, sanhi ng pagkamatay ng isang cameraman, habang isa pa ang nawawala.

Una rito, dalawa pang foreign journalist ang iniulat na namatay habang nagkokober sa bakbakan sa Baghdad.

Ipinapakita ng Abu Dhabi TV ang nasabing pambobomba na sila ring nagdala sa pagamutan sa cameraman na nasawi na sinasabing pang-19 na mediamen na napapatay sa digmaan

Kaugnay nito, pesticide lamang pala ang chemical na natuklasan ng US 101st Airborne Brigade na nakalagay sa mga drum na nakabaon sa isang agricultural complex sa Hindiyah.

Samantala, natagpuan na ng US forces ang bangkay ng pinsang heneral ni Saddam na kilala sa tawag na "Chemical Ali" na si Al Hassan al-Majid sa Basra ng bagsakan ng bomba ng mga US warplanes ang tirahan nito.(Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments