Ayon kay Army Lt. Pete Bayer ng Central Command, kontrolado na rin ng US 3rd Infantry Division at 101 Army Brigade ang ilang malalaking gusali sa Central Baghdad kasama ang Ministri of Information at Iraqi State Television ngunit hindi pa sinasakop ang mga ito at nananatiling kontrolado ng Iraqi government.
Sinabi ng Pentagon na pinalibutan na ito ng may 65 tangke at walo pang fighting vehicle upang mapigil ang pagtatangka ng puwersa ni Saddam na mabawi pa ito.
Lahat umano ng mga pangunahing daanan sa Baghdad ay hawak na rin ng US forces kasunod ng muling pagpapaulan ng bomba ng mga A-10 tank busters sa Central Baghdad.
Pinabulaanan naman ni Iraqi Information Minister Mohammed Saeed al-Sahaf ang pahayag ng US na nasakop na nila ang Baghdad kasama ang tatlong palasyo ni Saddam.
Sinabi ni Al-Sahaf na nananatiling nakikipaglaban ang tropang Iraqis sa tropang Kano at Britanya.
Gayunman, hinihinalang sinadya ang pagpapasabog sa imbakan ng langis ng mga Iraqis upang mapigil na mapasok ng ground forces ang naturang lugar.
Samantala, kinumpirma ng Pentagon na napatay sa ginawang air strike ng US warplanes ang pinsang general ni Saddam na si Al Hassan al-Majid na kilala bilang "Chemical Ali."
Si Chemical Ali ang itinuturing na pasimuno sa pagpapaulan ng chemical sa kanilang mamamayan sanhi ng pagkasawi ng libong sibilyang Iraqis noong 1998.
Kinumpirma rin ng Pentagon na napatay sa air assault ang bodyguard nito.
Sa report ng Al Jazeera TV, may 17 sibilyan ang napatay kabilang ang siyam na bata ng bagsakan ng bomba ng mga warplane ang bahay ni al-Majid sa Baghdad sanhi ng pagkadamay ng maraming kabahayan.(Ulat ni Ellen Fernando at AFP)