Sinabi nina Lakas Rep. Prospero Pichay Jr. ng Surigao del Sur, Lakas Rep. Prospero Nograles ng Davao City at Laban Rep. Celso Lobregat na hindi dapat sisihin si Reyes sa kasalukuyang Mindanao conflict dahil ginagawa lang nito ang kanyang tungkulin bilang defense secretary.
Pinayuhan ni Pichay ang ilang kapwa niya kongresista at mga senador na patuloy na sinisisi si Reyes sa umiinit na labanan sa pagitan ng mga tropang pamahalaan at sesesyunistang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tigilan na ang panggagamit sa mga taga-Mindanao para lang makapamulitika o magpapogi.
Ayon kay Pichay, hindi niya maunawaan kung bakit patuloy na tinitira ng mga senador si Sec. Reyes gayung hindi naman ito terorista kundi bahagi ng ating pamahalaan.
Dismayado naman si North Cotabato Governor Emmanuel Piñol na ni isang senador ay walang pumigil sa MILF, na inakusahan niyang nagsasagawa ng mga pambobomba, kidnapping at extortion sa kanilang probinsiya sa pamamagitan ng Pentagon gang.
Iginiit ng gobernador na isang grupo lang ang MILF at Pentagon dahil kapag nangidnap ang huli ay nakikihati umano sa kita ang una.
Samantala, si Presidential Adviser Norberto Gonzales ang sinisisi naman ni Lobregat sa kaguluhan ngayon sa Mindanao.
Ayon kay Lobregat, kung hindi nagsagawa ng back-channel negotiations sa mga Muslim separatists noong nakaraang taon ay hindi sana nabawi ng mga ito ang mga MILF camps na nakubkob na ng gobyerno. (Ulat ni Malou Escudero)