Pinoy mauubos dahil sa TB

Hindi sa mga pambobomba ng terorista mauubos ang mga Filipino lalo na ang mga mahihirap na mamamayan kundi sa sakit na mycobacterium tuberculosis o TB.

Base sa ulat ng World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ang nangunguna ngayon sa listahan ng mga bansang may pinakamataas na bilang ng mga mamamayang may TB sa Asia Pacific Region at pang-apat naman sa buong mundo.

Sa isang privilege speech, sinabi ni Cagayan Rep. Celia Layus, 75 Filipino ang namamatay sa sakit na TB araw-araw.

Sabi ng WHO, one-third ng populasyon ng buong mundo ay may TB at 2.3 milyon ang namamatay taun-taon.

Binigyang diin ni Layus na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang tumataas na bilang ng mga Flipino na nagkakasakit at namamatay sa TB dahil sa mabilis itong makahawa.

Bagamat at may lunas na ang nasabing sakit, marami pa ring Pinoy ang hindi makayanan ang magpagamot dahil sa malaking gastos at mahabang gamutan.

Ang isang taong maysakit na TB ay kinakailangang gumastos ng P40 isang araw sa loob ng anim na buwan.

Sa isang buwan, ang isang may TB ay kailangang gumastos ng P1,200.

Sa hirap ng buhay, hindi na bumibili ng gamot ang isang may TB dahil mas binibigyang prayoridad nito ang pambili ng pagkain.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Layus ang programa ng Department of Health na maliwanag anyang bigo sa pagsugpo ng nakamamatay na sakit kasabay ng panukala na imbestigahan ng kinauukulang komite sa Kongreso ang Anti-TB program ng DOH. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments