Nabatid na nabigo si dating Antipolo bishop Crisostomo Yalung na humarap sa pormal na pagdinig sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanya ng Limitless Potentials Inc., isang advertising firm nitong Marso 3 sa Makati Municipal Trial Court. Ang pagdinig ay muling itinakda ni Judge Evelyn Archayan-Chua ng Branch 63 sa Marso 14 matapos na ang abogado ni Yalung ay humingi ng 10 araw na palugit upang makapaghanda ang kanyang kliyente sa kanyang counter-affidavits.
Plano naman ni Atty. Rex Rico, tumatayong counsel ng nasabing firm na hilingin sa korte na arestuhin si Yalung kung hindi ito sisipot sa itinakdang araw na pagdinig. Posible umanong nasa Estados Unidos si Yalung upang pagtakpan ang Roman Catholic church sa kontrobersyang kinasasangkutan nito hinggil sa umanoy pagkakaroon nito ng dalawang anak sa isang parishioner. (Ulat ni Ellen Fernando)