Habang isinusulat ang balitang ito, isa pa lamang sa mga namatay sa Davao airport ang nakilalang si Ronald Picar, dating Junior Middleweight champion.
Sa nasabing bilang ng mga nasawi, sampu ang lalaki, walo ang babae at isang bata.
Sa paunang ulat, itiniyempo sa pagdagsa ng mga taong sumasalubong sa kanilang mga kaanak ang ginawang pagpapasabog.
Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-5:20 ng hapon sa waiting area ng naturang paliparan. Ang naturang waiting shed ay may 50 metro ang layo sa pagitan ng entrance gate ng Davao International at Domestic Airports.
Kalalapag pa lamang ng isang eroplano ng Cebu Pacific kung saan dumagsa naman ang mahigit sa 200 katao sa arrival area upang salubungin ang kani-kanilang mga kamag-anak na sakay ng naturang eroplano.
Dito na sumambulat ang bomba sa katabing waiting shed kung saan anim na katao ang agad na nasawi. Ilan naman sa mga biktima ang namatay habang isinusugod sa Davao Medical Center.
Sa di pa makumpirmang report, tatlong bomba umano ang itinanim at dalawa lamang ang sumabog habang narekober ng mga awtoridad sa naturang lugar ang isa pang piraso ng homemade bomb.
Ayon naman kay PNP-Aviation Security Group Director Chief Supt. Jesus Verzosa, ligtas ang airside o iyong mismong paliparan. Nilinaw nito na nasa landside ang lugar ng krimen.
Pansamantala munang inihinto ang operasyon sa Davao International at Domestic Airports. Ang mga domestic aircraft ay pinagsabihan munang bumalik sa port of origin habang ang mga international aircraft ay pinapunta muna sa Cebu International Airport at Ninoy Aquino International Airport.
Samantala dakong 6:15 kagabi, isa pang pagsabog ang naganap sa Freedom Park sa Tagum City, Davao del Norte na ikinamatay ng isa katao at ikinasugat ng tatlo pa.
Kaugnay nito, mariing kinondena ni Pangulong Arroyo ang naganap na pagsabog. Wala anyang kapatawaran ang nangyari dahil itoy isang uri ng terorismo.
Agad nagpatawag ang Pangulo ng emergency meeting kagabi at pinulong ang kanyang Cabinet oversight committee on internal security.
Samantala, inilagay na ni Supt. Verzosa sa red alert ang nasabing paliparan at pinaghanda niya ang kanyang mga tauhan na nakatalaga sa lahat ng airports sa buong bansa kabilang ang NAIA.
Sinabi naman ni Lt. Col. Daniel Lucero, spokesman ng Southern Command, na tinitingnan nila ngayon ang posibleng sabwatan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at New Peoples Army (NPA) na umanoy nagkaroon na ng pagsasanib sa kanilang operasyon.
Kasalukuyang nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa naturang insidente. (Ulat nina Butch Quejada, Danilo Garcia at Ely Saludar)