Kaysa mag-live-in, buntis payagang makasal sa simbahan

Kinontra ng Department of Justice (DOJ) ang ipinalabas na direktiba ng simbahang Katoliko na nagbabawal sa mga babaeng buntis na magpakasal sa simbahan.

Sinabi ni DOJ undersecretary at spokesperson Merceditas Gutierrez na dapat ay bigyan ng pagkakataon ang mga taong nagnanais na magpakasal at sumailalim sa seremonya ng simbahan kahit na ito ay buntis kaysa magpatuloy ang mga ito sa pagkakasala sa pamamagitan ng live-in.

Kung ayaw umanong magkasal ng mga pari sa simbahan ay maaari namang idaan na lamang sa ibang proseso ng pagpapakasal tulad ng civil wedding na balido rin namang maituturing dahil ito’y nakatadhana sa ilalim ng Family Code.

Maari rin umanong magkasal ang ibang lider ng simbahan at opisyal ng gobyerno tuald ng mga judges, justices, mayor, ambassador at mga consul upang isagawa ang seremonya ng kasal.

Hinimok din ng DOJ ang mga babaeng nagdadalantao na lumipat na lamang ng ibang lugar kung saan ay papayagan sila ng simbahan na makasal kahit sila ay buntis.

Nakasaad umano sa Family Code na maaring ikasal ang isang lalaki o babae sa lugar kung saan ang isa sa kanila ay naninirahan sa nasabing local bago sila magpakasal.

Ayon kay Gutierrez, maaaring sa huwes na lamang sa halip na sa simbahan magpakasal ang mga babaeng buntis.

Magugunita na nagpalabas ng pastoral letter si Bishop Jose Sorra ng Legazpi, Albay na nagbabawal sa mga babaeng buntis na makasal sa simbahan.

Subalit nilinaw nito na ipatutupad lamang ang kanyang direktiba sa kanyang lugar sa Albay at hindi naman saklaw nito ang lahat ng simbahang Katoliko sa bansa. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments