Ayon kay Sec. Reyes, isang war time offense ang treason kayat malabo itong maisulong ng senador. Bukod dito, pag-uusapan pa lang nila ng kanyang US counterpart na si Secretary Donald Rumsfeld ang mga detalye sa naturang joint military exercise.
"I dont think that anybody can be charged for anything that has not yet been committed," sabi ng kalihim.
Nauna rito, naalarma ang mga senador sa napaulat na pagsali ng mga tropang Amerikano sa combat operations laban sa mga terorista sa Sulu, partikular ang Abu Sayyaf. Bunga nito, magsasagawa ang Senado ng imbestigasyon ukol dito sa susunod na linggo.
Samantala, tumulak ngayon patungong Estados Unidos si Sec. Reyes sa imbitasyon na rin ni Rumsfeld para maplantsa ang iba pang mga detalye sa nakatakdang Balikatan 03-1 sa Sulu.
Bago umalis ay tiniyak ni Reyes na naaayon sa batas at pabor sa interes ng Pilipinas, partikular sa pag-unlad at pagtataguyod ng kapayapaan sa Sulu, ang anumang mapagkakasunduan hinggil sa RP-US military exercise.
Sinabi ng kalihim ng DND na idudulog niya rin sa US government ang pagtataguyod sa kapakanan ng mga Filipino veterans. (Ulat ni Joy Cantos)