Golez kinastigo ng Pangulo

Sinabon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si National Security Adviser Roilo Golez dahil sa pahayag nitong isasara na ngayong araw ang Embahada ng Pilipinas sa Baghdad bilang paghahanda sa napipintong pag-atake ng Estados Unidos sa Iraq.

Ayon sa isang opisyal sa Malacañang, agad na tinawagan at kinastigo ng Pangulo si Golez sa telepono para ituwid ang ginawa niyang pahayag sa media hinggil sa pagsasara ng Embahada.

Ikinatuwiran ni Golez na namis-quote siya at mali lang ang interpretasyon ng mga mamamahayag sa kanyang mga sinabi.

Gayunman, nagkakaisa ang balita sa lahat ng pahayagan, radyo at telebisyon tungkol sa balitang pagsasara ng Embahada ng Pilipinas sa Baghdad base sa pahayag ni Golez kamakalawa.

Sa isang panayam, pinabulaanan ni Philippine Charge d’ Affaires sa Iraq Grace Escalante ang ulat na magsasara ang embahada bilang preparasyon sa krisis sa rehiyon.

Sinabi ni Escalante na wala pa siyang natatanggap na ‘go signal’ ng Pangulo at kung sarado man aniya ngayong araw ang embahada, ito ay sa kadahilanang holiday doon at siniselebra ang Hadj o Mecca pilgrimage ng mga Muslim.

Pero kinumpirma ni Escalante na siya at ang tatlong iba pang nalalabing empleado ng embahada ay aalis sa Baghdad patungong Amman, Jordan at makikipagpulong sa mga diplomats para sa regional consultation mula Pebrero 16-20 doon.

Ang paglilinaw ay ginawa ni Escalante kasunod ng maling pahayag ni Golez.

Niliwanag din ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na walang direktibang nagmula sa Malacañang hinggil sa pagsasara ng embahada sa Iraq.

Sinabi ni Bunye na bagaman magsasara ang embahada, ito ay dahil sa pista opisyal sa Iraq at iba pang bansang Muslim. (Ulat nina Lilia Tolentino at Joy Cantos)

Show comments