Binatikos ng mga empleyado ang ginawang kautusan ni Senate Secretary Oscar Yabes matapos nitong ipagbawal ang paggamit ng Senate mansion simula nitong Enero 28.
Malaki ang paniniwala ng mga empleyado na ang nag-utos ng memorandum order no. 2003-001 ay si Sen. Flavier dahil matapos umakyat umano ang senador kasama ang pamilya nito sa Baguio City at mabatid na ginagamit ito ng mga Senate personnel, nang bumaba umano si Flavier ay biglang lumabas ang order na nagbabawal sa mga empleyado na gamitin ang naturang mansion.
"Ito ba ang nag-aambisyong maging presidente ng bansa, masyadong madamot gayong hindi naman niya pag-aari ang senate mansion?" wika ng source.
Iginiit pa ng mga nagrereklamong empleyado, dati-rati nang ginagamit ang mansion ng mga empleyado at maging ng mediamen na nagco-cover ng senado.
"Nakita lang niya na may mga empleyado na gumagamit ng senate mansion biglang lumayas na siya ng mansion na parang ayaw niyang may makasamang empleyado ng Senado doon," dagdag pa ng impormante. (Ulat ni Rudy Andal)